Ang Pagsayaw ni Maria sa Dagundong ng Kampana Ni Jessie de Lara

Ang Pagsayaw ni Maria sa Dagundong ng Kampana

Ni Jessie de Lara

Mayo, 13 1875 alas-sais ng umaga ng marinig sa tahanan ng mga Ynares ang malalakas na iyak ng mga batang sanggol. Hindi mahalugad ni Lenero na ngayo’y ama na kung saan niya huhugutin ang tuwa dulot ng mga sanggol na kalalabas pa lamang sa sinapupunan ng kanyang asawang si Eleneita at gayun rin ang lakas ng loob para tanggapin na ang dalawang sanggol ay katumbas ng buhay ng kanyang asawa. Kay tagal nilang hinintay iyon, nagtungo sila sa kung saan-saang simbahan at nagpabendisyon sa kung kani-kaninong pari upang pagkalooban lamang ng anak. At ngayon nga’y tinugon ito ngunit may hindi inaasahang kabayaran. Pinangalanan niya ang kambal na Maria Theresa at Maria Isabel gaya ng nakaugalian sa Bayan na lahat ng babaeng isisilang ay isusunod sa Birheng Maria ang ngalan, matapos ang naganap na milagro ng isang beses.

Makalipas ang 21 taon ay lumaking malusog ang kambal na Maria.

 

Naging malaking problema para kay Lenero ang kawalan ng susubaybay sa mga ito o ng isang Nanay. Hindi na rin niya nabigyan ng pansin ang pag-aasawa dahil sa sobrang pag-aasikaso sa kanilang lupain. Alas-sais na ng umaga tumutunog na ang kampana hudyat ng Angelus, si Maria Theresa o Theresa ay tinatapos lamang ang Angelus at handa ng umuwi mula sa simbahan dala ang rosaryo at bibliya samantalang ang kanyang lihim na kasintahang si Juanito ay nasa bukid na upang magtrabaho katuwang ng matalik nitong kaibigan na si Maria Nenita o Nene. Habang si Maria Isabel o Sabel  ay binubulyawan ng kaniyang Amain upang magising. Ng hindi ito magising ay hinayaan na lamang ito   at dumako na siya sa kanilang lupain.

 

Nang alas-dose na at tumunog uli ang kampana pansamandaling huminto si Theresa upang sambitin ang panalangin sa alas-dose, hudyat ng tanghalian at kaunting pahinga ng mga nasa bukid. Ito na ang pagkakataon ni Nene upang ipaliwanag sa matalik na kaibigan ang pinaplanong rebolusyon ng sa gayo’y lubusan na itong lumahok.

Muli na namang kumampana ng alas-tres hudyat sa bukid na isang kampana na lamang ay nararapat na makauwi na sila, samantalang si Theresa ay muling tumigil at nanalangin, habang si Sabel ay   nakakulurete at pustura patungo sa tabing-ilog upang makipagharutan sa mga guardia-sibil na naroroon.

 

Bago magtakip-silim ay napagpasyahan na ng mga taga-bukid na tuluyan ng magpahinga at kinabukasan na lamang ipagpatuloy ang pagsasaka. Sinabayan ni Nene ang kanyang matalik na kaibigan upang ilahad ang detalye ng nalalapit na sigwa. Hindi umiiling si Juanito hanggang  sa makarating ito sa kanilang tahanan, tulala at malalim ang iniisip. Kumampana na ng ika-anim ng gabi hudyat kay Juanito na kailangan na nyang tumungo sa Simbahan upang katagpuin ang kanyang kasintahan. Dali-dali syang nag-ayos at tumungo sa Simbahan pagkarating niya ay sinalubong siya ng napakaganda at napakahinhin na katipan. Dumako sila sa isang liblib na pook upang doon mag-usap, napansin kaagad ni Theresa ang nanlulumong mukha ni Juanito.

“Juanito, aking ibig , anong gumugulo sa iyong katahimikan?” umiling  lamang si Juanito.

“Hayaan mong makasalo mo ako sa pighati at sakit na iyong nararamdaman”

naantig si Juanito at ipinagtapat rin sa kasintahan.

“Mahal, alam kong hindi mo maiibigan ang sasabihin ko sayo ngunit nais kong malaman mo na magsisimula bukas ang sigwa laban sa mapang-aping mga kastila! Ito na ang pagkakataon para lumaya”

“Mahal kong Juanito, alam mong lubos akong masasaktan lubhang napakapanganib ng inyong gagawin…” hindi sumagot si Juanito

“…ngunit kung hindi ko na mababago ang iyong isip…ipagdarasal na lamang kita at ang inyong grupo” kasabay ng pagtulo ng mga luha ni Theresa.

“Batid naming maaaring magsakripisyo ng ilang buhay, ngunit hindi ito sapat sa kalapastanganang ginawa nila at patuloy na ginagawa sa atin, Theresa, sa ating mga magiging anak at sa mga darating pang angkan.”

Patuloy sa pagluha si Theresa,  inalo siya ng katipan.

“aking mahal nais kong mabatid mong para sa’yo rin ang gagawin namin.”

Patuloy sa pagtugon ng luha si Theresa, ipinagpatuloy ni Juanito…

“Mahal ko, magiging matagumpay bukas at magsasama tayo hindi lamang ngayon kung hindi maging hanggang sa matapos ang bukas, pangako ko iyan…”

“Mahal ko panghahawakan ko ang pangakong iyan at hihintayin ang iyong pagbabalik.”

Aninag sa maliit na mga mata ni Theresa ang dinadala nitong lungkot habang naglalakad pauwi   ng kanilang tahanan. Sa   may labas pa lamang ay naaninag na sya ng kaibigang si Pepito   na nagdidilig ng halaman. Si Pepito ay anak ni Aling Yoleng na kanilang katulong, bata pa lamang sila ay kinuha na ng kanilang ama ang serbsyo ng pamilya nito.

 

“Magandang gabi Señorita”

“Magandang Gabi naman Pepito…dumating na ba si Ama at si Sabel?”

“ wala pa po…”

Dumire-diretso   ito sa itaas ngunit hinabol ng patpating katawan ni Pepito

“Señorita ano pong bumabagabag sa inyo?”

“Wala…napagod lamang ako”

batid ni Pepito ang damdamin ng kanyang kaibigan sa ngayon ay alam niya na may kinikimkim itong sama ng loob kaya’t hindi niya tinantanan ang matalik na kaibigan hanggang sabihin rin sa kanya.

“ang mga kalalakihan sa Baryo ay may gaganapin bukas na sigwa…mag-aalsa sila Pepito”

“laban kanino?”

“Sa mga prayle at guardiya sibil…”

“batid na ba ito ng mga kinauukulan?”

“utang na loob Pepito huwag mong sabihin kahit kanino…”

“Sige po Señorita ililihim ko pangako…”

“Salamat Pepito maaasahan ka talaga…”

bago matulog ay nagrosaryo muna siya para sa kasintahan niya at sa nalalapit na rebolusyon.

 

Agosto 19,1896, Sabado;

 

“Señorita…Señorita…” maagang binulabog ni Pepito  ang noong natutulog pang si Theresa.

“Pepito anong ikinamamadali mo?”

“ Señorita kayo po’y pinapagising ng inyong Ama upang magtungo sa kabilang bayan.”

“Bakit?”

“Ang sinabi nya po’y doon nya na raw sasabihin”

“Si Sabel?”

“Nag-aayos na po at patungo na sa ibaba”

“Sige susunod na ako…”

 

Matapos ang ilang minuto ay pumanaog na rin si Theresa doo’y naabutan nya ng naghihintay si Sabel. Lumakad na ang karwahe,  patuloy ang katahimikan sa loob ng kanilang pinaglululanan pareho silang nakadungaw sa bintana, malalim ang iniisip at puno ng mga katanungang pilit inihahanap ng kasagutan. Patuloy ang karwahe, patuloy na sinasagip ng kanilang mga mata ang asul na kapaligiran dulot ng pagsikat ng araw na unti-unting nakukulayan ng dilaw.

 

Pagdaan ng kanilang karwahe sa Bayan ay narinig nila ang usap-usapan ng mga tao. Isang babaeng pinahirapan, nilapastangan at iniwang busabos. Maga ang katawan sa bugbog na halos hindi na makilala ang hitsura bukod pa roo’y tinanggal ang ilang kuko sa mga paa. Ang maganda raw nitong mukha na waring perpektong sining ay naging basurang handa ng sunugin. May usap-usapan raw na ang babae ay kasapi ng mga rebolusyonaryo sa ngalang Ka Nene. Lubhang kinabahan ang magkapatid, napapikit na lamang si Theresa at nagsambit ng ilang panalangin para sa babae at sa kanyang katipang si Juanito, samantalang naligalig ng husto si Sabel at nagsabing bababa na sya, kaya’t huminto ang karwahe.

 

“Anong kahibangan ito Sabel?” galit na tanong sa kanya ng kanyang kapatid.

“Ate, batid kong hindi ninyo ako maiintindihan ni Ama ngunit maaari bang pakibigay mo na lamang ito sa kanya at sabihin kung gaano ko sya kamahal” niyakap nya ang lumuluhang kapatid at sabay abot ng sulat, dali-dali syang lumabas at nagtatakbo sa kawalan hanggang sa hindi na sya makita ni Theresa. Tumuloy ang karwahe sa kabilang bayan at pagdating nila rito’y agad-agad bumaba si Theresa at  iniabot sa Amang naghihintay ang sulat ni Sabel at binasa nila ito.

 

Mahal kong Ama,

Batid kong hindi ninyo ako papayagan sa aking ninanais na pagsapi sa kilusan kaya’t minabuti ko na lamang na ilihim sa inyo at kay Ate. Buo na ang aking pasya hindi man ninyo maunawaan ngayon ay ipinagdarasal ko na maunawaan rin ninyo. Ang aking hiling lamang ay ipagdasal ninyo kami sa ikatatagumpay mamayang gabi. Panatag akong dinig ng Diyos ang aming mga layunin gayun rin ay hindi ako papayagang mapahamak ni Ka Nene.

Patnubayan nawa ng Birheng Maria,

Sabel

Patuloy ang pagtulo ng luha kay  Theresa  gayung batid niyang  usap-usapang pinagmalupitan si Ka Nene at ngayon nga’y malinaw na sa kanya ang layunin ng kanyang kapatid. Nabanaag ang galit kay Lenero at sinabing

 

“Erehe ang kapatid mo! Lubhang kay tigas ng ulo! Sigurado akong sinusunog na sa impyerno ang kanilang mga kaluluwa!!!Pinasukan na nga ng hangin ang ulo nyang batang yan, hindi na nag-iisp, mabuhay man sila’y sigurado nang  habang buhay silang uusigin ng Simbahang Katolika…Theresa, walang makakaalam ng kabaliwang ito!”

“Opo, Ama”

Tumuloy si Theresa sa kanyang kwarto at at napanikluhod na lamang upang magdasal.

Samantalang sa bahay nila Ka Nene ay natitipon ang mga nag-iisyoso. Totoo nga ang mga binabalita na nangyari sa magandang rebolusyonaryo, binusabos nga’t binalahura. Ng marinig ito ng matalik niyang kaibigan na si Juanito ay agad itong sumugod at naabutan nga ang kaibigang nakahandusay sa papag. Wari mong isang pulong biglang nagningas sa galit si Juanito banaag sa mukha niya ang hindi maipintang galit.

Kumampana na para sa ikatlo ng hapon labag man sa kalooban niya ay kailangan niyang iwanan ang kaibigan dahil hudyat na ito na bago ang pagsugod ay kinakailangan ng mga katipunerong magtipon-tipon muna sa Bahay na Tisa pakiramdam niya ay kailangan niyang ipaghiganti ang kalupitang dinanas ng kaibigan.

At naganap na ang rebolusyon, nagwagi ang mga katipunero ngunit may ilang nag-alay ng buhay.

 

 

Agosto 20, 1896

Dahan-dahang dinilat ni Theresa ang kanyang mga mata, hinaplos ng sinag ng araw ang mapupula nyang mga pisngi at patuloy nitong hinahalikan ang kanyang maliliit at mapupulang mga labi. Panatag ang kanyang pakiramdam at walang pag-aalinlangan pagkaraka’y handa na nga silang  magbalik sa kanilang tahanan sa San Nicolas. Gaya ng pagtungo nila doon sa kanilang tahanan sa Santa Rosario ay gayun pa rin ang pag-uwi nila, nakahiwalay ng karwahe ang kanyang Amang si Lenero at ramdam niya ang katahimikan sa maluwag na karwaheng hiniling nyang samahan sya ng kaibigang si Pepito. Nang maparaan sila sa Plaza   alam niyang nakita ng Amang nasa unang karwahe ang kapatid ngunit hindi ito pinansin. Napagdesisyunan niyang huminto at kausapin si Sabel at napag-alaman niyang may isang namatay sa kanilang grupo na nagngangalang Juanito Sanchez, unti- unting gumapang ang luha niya sa mga mata…tunay ngang pangalan iyon ng lihim na kasintahan. Bumalik sya sa karwahe na tumatangis, doon rin ay ipinagtapat ni Pepito ang pagkakamaling nagawa niya sa kaibigan ang pagsusumbong nito sa kinauukulan.

Kumampana na ng alas-tres, nagbihis si Theresa ng itim at naghanda na upang magsimba- lumabas na ito ng kwarto at hindi kinalimutan ang belong itim. Tumungo ito sa bahay ni Ka Nene upang maka-usap ang kanyang kapatid at gayun rin ay makita ang iniibig…matapos ng matagal ring pananatili ay dumako na ito sa simbahan. Naroon naman at naghahanda na sa Sakristiya ang payat na sakristan mayor na si Pepito.  Gulong-gulo ang isipan niya habang nagsusuot ng sutana ay kung ano-ano ang pumapasok sa kanyang kukote- ang pagtratraydor na nagawa sa kaibigan buhat ng selos nito, ang masasayang mga ala-ala nila ng pangingisda at paglalakbay sa kung saan-saan, ang kanyang Ina na parati syang ipinagdarasal at gayun rin ang kanyang Amang tahimik at maunawain.

 

Nagsimula na ang misa, hindi sya makatingin sa mga tao dahil batid niyang naroon si Theresa, sa unang pagkakataon ay nakita niyang umiiyak at nagdadalamhati. Nais niyang makiramay sa pighati ng tangi niyang iniibig ngunit tuwing iisipin niyang sya ang dahilan ng kalungkutang ito ay nais na lang niyang bumuka ang lupa at lamunin siya. Natapos ang misa ngunit gulong-gulo pa rin ang kanyang isipan, kay rami niyang naiisip, ang kanyang Pamilya, ang mansyon ng mga Ynares na matagal na rin nilang pinagsisilbihan, ang pagiging sakitin niya na nagtulak sa kanyang Ina upang gawin syang Sakristan-Mayor, ang araw-araw niyang paglalakad mula sa palengke na ang lahat ay nakatingin sa kanya dahil sa kanyang kapayatan at kung anu-ano pa. Sa mga araw na ito ay hiniling niyang siya ang magkampana kaya’t tumungo na sya sa kampanilya para magkampana ng alas-sais. Nagkampana sya ng nagkampana…matapos ang ilang minuto ay hindi pa rin tumitigil ang pagkakampana kaya’t minabuti ng mga nasa loob ng Simbahan na tumungo sa labas at doon nga’y nakita nila ang pahat na katawan ni Pepito na nakasabit sa kampana at may taling bato sa mga paa.

 

 

*walang bahagi o parte ng akda ang maaaring sipiin ng walang pahintulot sa may-akda*

 

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: